11.24.2007

dahon, bituin at bulaklak

Minsan lang dumating, minsan isang panahon
Ngunit sa paglisan ay may bakas na naiwan
Sa paglipas ng mga araw, sa pagdaan ng taon
Pilit mang ibaon, mga alaala'y lumilingon

Isang maikling pagkakataon, ngunit dala-dala hanggang sa paglipat ng mga dahon
Nagsimula sa pagbaba ng liwanag ng bituin
Kumislap-kislap sa pagkamit ng ningning
Lumitaw ang tuwa at umagos ang luha

Yumakap sa lupa, naki-isa sa bulaklak
Sumipol ang hangin, nakarating sa alapaap
Dinala sa itaas ng bundok, sa ilalim ng ulap
Sa paghuni ng ibon, umugong ang halakhak

Isang araw, may bagyong dumating
Nakakayanig, 'di malaman kung saan nanggaling
Natitirang dahon ay tinangay na bigla
Ang bituin at bulaklak ay napatulala

Pagpatak ng ulan, 'di magawang pigilan
Humampas sa bintanang 'di makapagsalita
Kumilimlim, mga halaman ay nanlamig din
Sa pagbagsak ng bulaklak, bumulagta sa lupa

Nanatili ng maraming araw, pabagu-bagong panahon
Minsan malakas, minsan wala, minsan nakakapanghina
Sa pagsikat ng araw, muling sumibol ang halaman sa hardin
Ngunit sa gabi, hinahanap-hanap ang nawalang bituin

Inaaninag, ngunit sa tayog ay 'di makapa
Sa kapal ng ulap, 'di sapat ang pagsulyap
Umikot ang mundo, lumakad ang buwan
Walang kaliwanagan, at makitang kongkretong daan

Naghintay ng paghampas ng alon sa dalampasigan
Anupa't muling nasilayan si Haring Araw
Ngunit kabaligtaran ang idinulot sa kapaligiran
Kasabay ay ang pagkalanta ng nag-iisang dahon sa halamanan

a heartfelt creation by Osay

0 comments: